Ilang araw nalang ay nalalapit nanaman ang pasukan. Balik nanaman sa loob ng silid-aralan at magkukunwaring may natutunan. Kaya bago lumuwas muli pa-maynila mula probinsya ay magkakaron muna ng konting kasiyahan, padespedida kumbaga. Pupunta sa pinakamalapit na resort para magswimming at maginuman.
Tradisyon na yata ng mga Pilipino ang pag-inom tuwing may okasyon o selebrasyon. Brandy man o beer, basta may alak ay kakaiba ang saya ng bawat umiinom. Paikot-ikot ang basong tagayan na tila may ritwal na nagaganap. Madalas ay pakanan, merong pakaliwa at minsan pa ay may salubong. Parang sinasabi nito na sa pag-ikot ng baso ay ang mas lalo pang tumitibay na samahan. Pagkakaibigang nasubukan hindi sa bilang ng taon ng pagsasama kundi sa bilang ng boteng isa-isang pinatumba. Kung minsan ay mag-aambagan pa o patak patak para makabili lang ng isa pang bote. Kung wala nang mapiga sa mga bulsa ay nauuwi nalang sa usapang lasing ang kwentuhan.
Isa sa pinakamalaking negosyo ng inuming de-bote at pagkain ang San Miguel Corporation. Mula karne, gatas, alak, serbesa at iba pa ang saklaw na produkto nito. Siyam sa sampung bote ng serbesa, 87% ng softdrinks, 60% ng karne at 40% ng manok ang naibebenta ng kompanya. Ngunit sa kabila ng tinatamasang laki ng yaman ng kompanyang ito, kabaliktaran naman ang dinaranas ng mga manggagawa dito. Pilit dinudurog ng management ang mga unyon sapagkat tinik sa lalamunan ang turing nila sa mga ito. Tinanggal ng management ang 17 na lider-manggagawa ng SMC upang matakot ang mas marami pang manggagawa sa pakikiisa sa mga unyon. Pinalitan sila ng mga kontraktwal na manggagawa upang mawalan ng karapatang mag-unyon at wala na rin silang benepisyong makukuha tulad ng isang regular na manggagawa. Dahil sa konti ang babayaran ng management, dagdag kita ito sa mga kapitalista.
Humigit kumulang sampung taon nang ipinaglalaban ng mga manggagawa ang P125 across-the-board, nationwide na dagdag sahod upang mabuhay sila ng maayos at marangal. Hindi man ito ang lulutas sa kanilang problema ngunit malaking tulong na ito upang masustentuhan ang kanilang mga pangangailangan. Patuloy nilang iginigiit ang pagpasa ng dagdag-sahod na ito na nakabinbin pa rin hanggang sa ngayon. Muntik nang makalusot sa kongreso ang panukalang batas ngunit ito ay hinadlangan ng isang kongresista. Hindi pa raw kasi napagdedebatihang mabuti kaya dapat ibalik ito sa antas komite.
Kung tutuusin, napakaliit lamang ng hinihiling ng mga manggagawa kumpara sa dambuhalang kita ng kompanya. Katumbas lang siguro ito ng iilang bote ng serbesa, ng ilang kilong manok, o ng ilang lata ng gatas. Pinagkakait sa mga manggagawa ang nararapat na katumbas ng kanilang lakas paggawa. Kung tutuusin, sila ang nagpapaunlad at nagpapayaman sa kanilang mga amo. Pero kung anong kaunlaran ang tinatamasa ng mga kapitalista, ganun naman kalugmok ang kalagayan ng manggagawa. Nakamit nila ang gayong posisyon sa buhay dahil sa pagsasamantala sa kanilang mga tauhan.
Sa kabila nito, tuloy ang laban ng mga manggagawa para sa dagdag umento. Nakakalungkot isipin na sa krisis na kinakaharap ng bansa sa pagtataas ng presyo ng mga batayang pangangailangan, nanatiling kakarampot ang kinikita ng humigit kumulang 36 milyong manggagawang Pilipino. hindi na nga siguro bago ang ganitong kalagayan ng bansa. Manggagawang puspusan at nagpapakahirap sa trabaho ngunit underpaid. Magbabago lang ito kung patuloy na paiigtingin ang panawagan upang makamtan ang minimithing dagdag na sahod.
Kaya sa pagikot ng basong tagayan ay umikot din sana ang panawagan para sa mas mataas na sahod at patuloy na lumaban ang mga manggagagawa kasama ng mga kabataan. Dahil sa pagsulong ng panahon, ang mga manggagawang ito ang mamumuno sa mundo.
*alay kay Rep. Crispin “Ka Bel” Beltran na ipinaglaban ang P125 na dagdag umento ng mga manggagawa sa ating bansa hanggang sa kanyang huling sandali.